Sa pinaigting na pagpapatrolya ng mga kapulisan ng Don Bosco PCP sa pamumuno ng kanilang PCP Commander na si PLT KARL DANIELLE QUIOCHO at sa ilalim ng pamamahala ni Raxabago Police Station Commander PLTCOL MELVIN M FLORIDA JR., nahulog na sa kamay ng kapulisan ang mga tinaguriang mga miyembro ng “Jumper Boys” na nangbibiktima ng mga byahero at motoristang bumabaybay sa kahabaan ng Mel Lopez Blvd, Road 10, Tondo, Manila.

Bandang 1:10am ng Enero 12, 2025 habang nagpapatrolya ang mga kapulisan ng Don Bosco PCP ay nakatanggap sila ng ulat tungkol sa diumano’y mga nagsusugal sa kahabaan ng Mel Lopez Blvd., kanto ng Capulong St., kung kaya agad nila itong nirespondehan na nagresulta sa pagkaka aresto ng tatlong (3) indibidwal. Narekober sa kanila ang tatlong (3) piso na gamit habang naglalaro ng sugal na Kara y Cruz at mga perang may kabuuang halaga na Php450.00. Nakakuha rin ang pulisya ng isang (1) plastic sachet na naglalaman ng pinaghihinalaang SHABU na may timbang na humigit kumulang 0.1 grams at nagkakahalaga ng Php680.00 base sa DDB value.

Sa imbestigasyong isinagawa, napag-alaman na ang isa sa mga naaresto ay ang lalaking nakuhaan ng video kamakailan na nanghablot ng gamit ng isang byahero sa kahabaan ng Road 10 habang kasagsagan ng trapik.

Ang mga naarestong indibidwal ay nahaharap ngayon sa kaukulang kaso ng paglabag sa PD1602 at Sec. 11, Art II ng RA9165 at kasalukuyang nakakdetine sa Raxabago Police Station.

Nananawagan ang kapulisan sa mga nabiktima ng mga naarestong indibidwal na magtungo at makipag ugnayan sa himpilan ng Raxabago Police Station o tumawag sa mga numerong 09985987894 o sa numerong 83542851 para sa paghahain ng reklamo at ito po ay malugod naming tutugunan.